Pamaskong bakasyon…

Aking ida-daldal ang aking naging bakasyon nang nagdaang Pasko at Bagong Taon sa inyong lahat. Awa ng Diyos ay masaya naman at mahaba-haba rin. Kaso nga laang ay bitin pa rin. Gusto ko’y bakasyon lagi.

Ang una naming pinuntahan ay isang malaking bahay na paupahan sa may Amadeo sa Cavite. Ang Microtel Inn tsaka yung Eagle Ridge. Kami ay nagpakasaya ng maigi doon. Marami kaming mga ginawa na noon laang din namin naranasan gaya ng maligo sa swimming pool na kami laang ang tao. Kahit magpatilarok ng ihi ay ayos laang. Nagpagalingan kami ng pagpapagulong ng bola at pagpapatama sa mga nakatayong bote ng Pepsi, ako ang nanalo. Iwas kanal lagi eh. Ang dalwa namang anak ay tuwang-tuwang naglaro sa palaruan. Anaki ay noon laang nakapaglaro sa gay-un eh. Ay meron din naman sa Jollibee. Noon ay nangawil din kami sa hinukay na ilog na may tilapyang maliit pa sa dulong. Ay anaki ay kasya sa aking ilong eh, sa liit. Ang pinakamasaya ay kami ay nakatulog na naman sa de-erkon na kwarto.

Kami ay sa amin na nagdiwang ng bisperas ng Pasko. Nagbukas kami ng maraming regalo na talagang nagpasaya sa aming mga mahal na anak. Ay hindi mapantayan ang mga umis eh. Akala mo’y Toy Kingdom ang aming bahay sa dami ng laruan.

Nang kinabukasan naman, kami ay nagpunta na sa Batangas. Naka-ilang araw rin naman pero kulang pa eh. Kung wala laang ibang plano ay doon na kami hanggang maka-bagong taon. Kahit kinaumagahan na ang uwi. Masaya naman don eh. Pag bagong taon ay inuman sa basketbolan. Lahat ay kasali sa palabunutan. Bata at matanda ay magkahalo na. Yun nga laang ay kinailangang bumalik na sa Cavite.

Gayunpaman ay marami pa rin akong nagawa na matagal ko nang hindi ginagawa gaya ng pangangawayan at pagmumura. Hindi murang galit, murang niyog ang aking sinasabi. Kung tawagan ng mga taga Maynila ay ‘buko’. Ang Daddy ko ay may ginagawang malaking bahay-kubo sa may likod ng bahay namin. Ay kulang sa kawayan. Ay di kami ng mga kuya Isyu at Louie ang namutol. Noong unang ahon namin sa lupa ng mamay Pisyong ay ako’y walang salumbayag at nakasalwal na pambasketbol laang. Ay di nagkapitan ang mga kulutan sa salwal at binti ko. Kakati eh. Tapos pag nalusok sa kawayanan ay nananabit pa sa tinikan. Ay di puro tundos ng tinik binti. Duguan eh pati kamay. Kayo’y maniwala sa akin, ang pangangawayan ang pinakamahirap na trabahong aking naranasan. Pagkaputol ng Kuya Isyu ng kawayan ay kami ng aking kapatid ay pahirapan naman kung paano hihilahin pababa. Paano ay hindi naman natumba ng diretso sa lupa at dahil ng mga yabit-yabit na sanga at siit. Wala naman kaming maitali. Nakakita ng baging ay mura naman. Nang maitali ay lagot agad. Kahit paano naman ay nakakuha kami ng tatlo. Ay di kami’y tigigisang hila palusong. Yagyag kaming tatlo. Ay sa big-at naman, ako’y binikilan sa balikat eh. Kinabukasan ay ahon uli at namutol na naman. Pakilasa ko’y kahit mas munti ang aking hinila ay anaki’y mas bumig-at pa lalo dahil nga sa sakit na ng balikat.

Kami’y nakapamasyal din sa SM Batangas. Naku naman! Ay trapik pa sa karsadang No Entry. Kung di laang mamamasko ang mga bata sa mga ninong ay hindi na laang pupunta doon. Ako’y nagkanda-ligawligaw pa sa pag-iwas sa trapik. Paanong hindi trapik ay isa lang ang daanan at naputol pala yung malaking tulay.

Kinabukasan naman kami’y ahon pa-Malimatoc at namiyesta. Kami’y naka-motor paahon. Ay mas gugustuhin ko pa naman mag-ahon doon kaysa pumunta uli sa SM Batangas. Walang trapik. Kung ako’y walang kasama, ay ako’y mag-isa laang. Nakapangain naman ako ng kalderetang kambing, fruit salad at kanin sabay-sabay. May mga musiko rin na wala namang uniform dahil iba-iba ang suot na damit. Pero ayos pa rin ang banat sa Nobade Nobade. Napaindak ako sabay clap-clap, clap-clap.

Naglaro naman ng Volleyball si Honey. Nakasali sa line up ng paliga. Ang mga kakampi naman ay hindi marurunong tsaka ang patakaran ay sinauna pa. Pero ayos naman at masaya. Nakakuha pa rin naman ng 3rd place ang team nila. Apat ang team lahat lahat. Ang champion ay yung pinakamaraming panalo. Nagkaroon nga din pala ng palarong pambata nung Pasko. Karera sa sako, ihipan ng harina para makakuha ng barya, kabkaban ng mansanas na nakasabit, sayaw sa dyaryo, at siyempre, hindi mawawala ang pagalingan magsayaw sa tugtog na Nobade Nobade. Si Ley ay kasali at siyang nag-break dance pa sa gitna.

Hanggang dito na laang muna at ako’y wala nang maisip idugtong. Parang nawawalan na ng saysay ang aking mga pinagsasasabi eh. Ako laang naman ang nakakaintindi. Ay sureh! Pag ako’y may naisip pa ay akin na laang ida-dagdag. Matingnan sa isang araw kung anong mangyayari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*

You may use these HTML tags and attributes: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>